Himagsikan

Sa isang dako ng kasaysayan
Lipon ng mga mandirigmang kababaihan
Ang nakipaghimagsikan
Para sa kalayaan ng bayan
Ngunit magigiting na kababaihan
Na sa Pugad Lawin ay nagpakita ng katapangan
Tila ba ngayo’y nakalimutan
Na ng malayang kasalukuyan

Naalala niyo pa ba
Melchora Aquino o mas kilalang “Tandang Sora”?
Mga sugatang katipunero, siya ang nag-aruga
Pinatunayang ang edad ay ‘di hadlang sa pakikiisa
Para sa paghubog ng bayang malaya

Gregoria de Jesus, asawa ni Bonifacio
Hindi la’ng nagtago ng dokumento ng mga katipunero
Maging siya’y lumaban para sa lupang inaapakaan mo

Teresa Magbanua
Magiting na ipinaglaban
Ang karapatan ng lupang sinilangan

Trinidad Tecson
Itinuring na babaeng heneral
Dahil sa kanyang tapang, pamumuno, at dangal

Gabriela Silang
Isinulong ang pakikipaglaban sa mga Kastila
Gumamit ng sandata
Para makamit ang hustisya
Para sa napaslang na asawa
At para sa karapatan ng kanyang bansa

Lipon ng mga mandirigmang kababaihan
Ang nakipaghimagsikan
Para sa kalayaan ng bayan
Ngunit magigiting na kababaihan
Na sa Pugad Lawin, nagpakita ng katapangan
Tila ba ngayo’y nakalimutan
Na ng malayang kasalukuyan

Gliceria Villavicencio,
Adriana Sangalang,
Agueda Esteban,
Teodora Alonzo,
Ilan pa sa mga babaeng bayaning Pilipino

Kasama sila sa nagpalaya ng bansa
Pinatunayan na ang mga babae ay hindi mahinang punla
Ngunit nakakalungkot na ang iniwagayway nilang bandila
Ay sapilitang pinupunit ng matalim na sandata
Ikinukulong ang kababaihan sa kinakalawang na selda
Ang lipunang ito ay isang malawak na selda
Kinakalawang, ang lipunan ay isang selda.
 
Noon pa ma’y may mga babae nang nagpatunay
Na ang sila’y may kakayahang maglakbay
Tapang, pamumuno at talino sa pakikibaka’y
Kanilang armas para mag tagumpay.

You may also submit your poems, short stories, essays, features, and reviews to Ibalio Stories via email at ibaliostorytellers@gmail.com, or via Twitter at @ibaliostories. You may also follow us on Facebook or on Instagram.

Show us some love and retweet this:

Please follow and like us:
0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *