Babalikan Kita

Babalikan kita ngayong gabi,
Hindi ko papansinin ang sakit na dadalhin
Ng muling pagbubukas ng mga sugat na binigay mo
Hindi ko papansinin ang lamig ng hangin
Na magpapaalala na wala ka sa tabi ko
Hindi ko papansinin ang mga luhang papatak
Ang pusong iiyak, ang katawang manghihina,
Basta’t hayaan mo akong balikan ka at ang ating mga alaala





Naaalala ko pa ang buhay ko bago kita makilala
Ako yung tipo ng tao na sanay ng magisa
Hindi yung mag-isa na malungkot, malumbay, o may kulang,
Kundi yung tipo na ako lang, solo pero masaya
Hangga’t dumating ka sa panahong hindi inaasahan
Hindi ko inakala na yung dating masaya may mas ikasasaya pa
Na yung dating mag isa, mas okay pala na may kasama
Ganito siguro kapag nagmamahal, yung saya parang umaapaw na

Kahit hindi naman kulang, alam ko na ikaw ang nagkumpleto
Sa buhay na matagal ng naging kontento sa “ako”
Hindi man naging madali, pero nangyari pa din ang “tayo”
Kahit marami ang nagtaka, nagtanong, at napatingin,
Hinayaan ko at hinayaan nalang natin,
Dahil siguro, mas nangibabaw na ang gusto ko
na mas magiging makulay pa at masigla ang buhay,
sa piling mo

Naaalala ko pa yung gabing nagusap tayo sa ilalim ng mga bituin
Magkalayo ang distansya, pagod sa trabaho sa umaga,
pero naghintay at nagpapuyat para makausap ka pa rin.
Naging saksi ang buwan sa magdamag nating kwentuhan,
Nakita ng mga tala ang matamis na mga ngiti na abot kalangitan
Kahit ang araw na dumating, ay dama ang ating kakulitan
Kung ito’y isang panaginip, sana ay wala na tong katapusan

Ngunit mali ako. Sobrang nagkamali ako.
Kasi akala ko, kapag mahal mo ang tao, magiging sapat na
Kasi akala ko, kapag ginawa mo ang tama, hindi ka na lolokohin pa
Kasi akala ko, kapag binigay mo ang lahat, wala ng hahanapin sa iba
Kasi akala ko, kapag sinubukan ko at pinilit ko at ginawa ko ang kaya ko,
mapupunan lahat ng wala at mawawala lahat ng masama
Pero mali pala ang mag-akala na lahat ng mabuti ay may katumbas na maganda

Kahit alam natin na ang relasyon ay hindi parating maligaya,
Nagkaroon pa din ng lugar para magsawa ka,
Kahit hindi mo naman aminin na napagod ka
Nakita ko pa rin na paunti-unting umaayaw ka na
Kahit sabihin mo na masaya ka kahit magkalayo tayong dalawa
Nadadama ko na gusto mo na lang makalaya
Kung kaya’t kahit masakit, kahit sobrang sakit, hinahayaan lang kita

Ang hirap pala na makita ang mahal mo na hindi na masaya sayo
Pero mas mahirap pa rin na malaman, na ikaw na tong niloloko
Nung una ay nagbulagbulagan pa ako, dahil sabi ko, baka hindi totoo,
Na baka isa lang ‘tong masamang biro, o kaya dala ng pagkakalayo
Pero hindi pala pwedeng habang buhay kitang pagtatakpan
At hindi rin naman pwedeng araw-arawin ang katangahan
Kung kaya’t kahit mabigat sa loob ay tinanggap ko nalang
Siguro ang kwento natin, ay hindi kwentong pangmatagalan

Inisip ko nang mabuti kung saan ako nagkamali o nagkulang,
Upang hanapan mo ng kapalit o gawan mo ng mga bagay na masakit
Nagtanong din ako sa sarili, kung ano ang nangyari at paano nangyari
Ang maloko ng mahal mo, ng taong pinapangarap mo, ang taong iyong inaasahan.
Tinanong kita kung bakit, pero kahit simpleng sagot, hindi mo ako mabigyan
Matagal ko tuloy sinisi ang sarili sa mga maling hindi ko naman kasalanan
Dahil lang naduwag ka na sabihin na ikaw ang may pagkukulang.

Ngayong gabi ay binalikan kita–aking matamis at mapait na alaalala
Inulit ko ang mga kwento ng masaya at malungkot nating pagsasama
Sinubukan kong hanapin ang sagot sa saan, ano, paano, at bakit
Pero hindi na pala kailangan dahil nawala na din ang sakit
Sa dami ng naging pagdududa sa ating pagtatapos, dito ako naging sigurado:
Sa paghahabol ng pangarap ko ay naiwan kita
Pero sa paghahanap mo ng kasama, ay iniwan mo ako.

Salamat sa pagpapadama na ang buhay ay may mas ikasasaya pa
Pero salamat din sa pagloko, dahil ngayon ako ay malaya na.

Babalikan Kita (Alyssa Ann Solano/Ibalio Stories)
You may submit your stories, poems, photos, and illustrations to Ibalio Stories via email (ibaliostories@gmail.com; ibaliostorytellers@gmail.com), Twitter (@ibaliostories), or Facebook (@ibaliostories).



Please follow and like us:
0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *